Kung Sa Paggising Ko’y Umuulan
10:00 am, 06 25 2006
Hahayaan kong yakapin pa ako ng mga unan
ibibigay ko ang katawan ko sa kumot
para puluputan nito.
Isusuko ko ang sarili ko sa tawag ng kamang
magdamag kong kaulayaw
nang ang ula’y sumisibol pa lamang
sa mga ulap.
Imumulat ko ang aking mga mata
at gagawin silang mga musmos
na naglalaro sa kawalan
kasama ng diwang kagigising lamang.
Ipipikit ko ang aking mga mata
upang ituloy ang panaginip na naudlot:
hahayaan ko itong humayo pa
kasama ka.
Yayakapin ko
hindi ang unan ko
mamumulupot ako
hindi sa kumot ko.
Kundi sa iyo
na inuukit ko
mula sa hangin at alaala
dito sa iwahig
ng aking kama.
habang sa labas ay umuulan.
July 7th, 2006 at 1:38 pm
Mare, nakakahawa ang pagiging articulate at expressive mo…
Pahiram nito ha, ganito rin ang feeling ko ngayon.