Pagluha mula sa Taste of LA
Pumapatak ang mga luha ko
sa mga maling lugar:
Sa lamesang kahoy –
sinisipsip ng mga siwang
na iniluwal ng panahon,
lumalagkit sa barnis
na pumapailalim sa
mga bulaklak
ng talabang kumikiliti
sa aming mga dila at tiyan,
sabay sa nangingibabaw
na ngiti at hagalpakan
sa dilim.
Sa dalawang puting kandilang
tahimik na nagluluksa
sa kanilang malamlam na sinag,
binabalutan
ng kanilang mga pagal na luha
mula sa nauupos
nilang kamulatan.
Sa basong
puno ng tubig na
pinagpapawisan sa ginaw,
idinuduyan
ang yelong
tahimik na pinapakiramdaman
ang marahan nitong
pagkagunaw.
Sa hawakan ng aking payong
na handang maligo’t
sagkaan ako
mula sa ulang
dumating ng walang abog –
balag ng bawat daliring
idinudulas,
kinakalas
ng grasang
dala ng sampatak
na luha.
Sa tubig
na dinidilaan
ang hubad na daliri
ng aking talampakan,
dumadaloy sa kalsada
papunta sa mga eskinitang
walang patutunguhan.
Sa hagdan ng bus
na malaon nang
nabubugbog sa mga apak
ng mga naghihingalong
mapuputik na swelas,
bumabati’t nagpapaalam
Sa mga labas-masok
na kaluluwa.
Sa sandaang piso
sa aking bulsa
na nilukot
ng mga kinuyom
na pawisang palad,
pamasaheng
nagdadala sa akin
patungo
sa nahihimlay kong unan—
nagmamantsa’t
nag-iiwan
ng mapa
ng naging pag-iibigan
nating dalawa.